Main menu

Malalaking balita at pangyayari sa Oriental Mindoro noong 2016

Published by admin on Thu, 02/02/2017 - 09:49

Maraming malalaking balita ang nagtaas ng kamalayan at nasubaybayan ng mga mamamayang Mindoreño  na nangyari sa buong isang taon ng 2016.  Ito ay  umambag, gumising at nagtulak sa Pamahalaang Panlalawigan upang tumugon at umaksyon  sa isang sitwasyong  nangangailangan ng pagde-desisyon, pagpaplano at pag-aksyon.

Halos sumentro ang mga balita noong Enero 2016 sa mga hakbangin ng pamahalaang panlalawigan hinggil sa matinding epekto ng bagyong Nona noong 2015 na nag-iwan ng PhP 5,539,723,986.52 pinsala sa kapaligiran, imprastraktura  at agrikultura sa  lalawigan, 13 taong nasawi at mahigit 300 ang nasaktan.

 Nagkaroon ng malaking pagbaha sa ilang mga bayan sa lalawigan at ang masaklap, natabunan ang Barangay Bayanan, Baco ng mga batong dala ng rumaragasang tubig galing bundok. Ang pangyayaring ito ang nagbunsod upang suriin ang kabundukan ng binuong Task Force Iwas Baha ng Pamahalaang Panlalawigan.

Naging mahabang usapin ang pangyayaring ito sapagkat marami ang naging biktima. Nagkaroon ng serye ng mga pagpupulong sa pagitan ng pamahalaan at mga apektadong grupo ng mga biktima at ng mga inirereklamo ng pinaghihinalaang dahilan ng pagbaha sa kanilang lugar.

Sa larangan  ng turismo, naging makasaysayan naman ang 2016 sapagkat  maraming national events na ang Oriental Mindoro ang nag-host. Noong  Pebrero, sa bayan ng Puerto Galera, ginanap ang  11th Congress ng World’s Most Beautiful Bays in the World.   Oriental Mindoro rin ang nag-host ng Vice Governors’ National Executive Council Meeting.

Sa taong 2016, mapayapang naganap ang national election kung saan isinagawa ang kauna-unahang Indigeneous People’s Poll Testing.  Pagkatapos nito, noong Hulyo 1, nanumpa sa tungkulin ang mga bagong opisyal ng bawat bayan at ng lalawigan.

Bumisita sa lalawigan sina bagong Department of Agriculture (DA) Secretary Emmanuel Piñol, Vice President Leni Robredo, at bagong TESDA Director General  Atty. Guiling Mamondiong  upang alamin ang pangangailangan ng iba’t ibang sektor .  Dumating din sina dating DILG Secretary Mar Roxas, dating DA Secretary Proceso Alcala, Senator Joel Villanueva, Senator Ralph Rector, Senator Kiko Pangilinan, dating MMDA Chairman Francis Tolentino, Senator Leila de Lima at dating DOE Secretary Jerico Petilla.

Karangalan ng lalawigan nang nahalal bilang Pangulo ng League of Municipalities of the Philippines si Socorro Mayor Maria Fe Brondial, naging House Committee Chairman on Justice si 2nd District Representative Reynaldo Umali at muling nahalal bilang chairman ng League of Vice Governors of the Philippines si Bise Gobernador Humerlito  Dolor.   

Nagsagawa rin ng malakihang medical and surgical mission ang One World Mission kung saan daang Mindoreño ang nakinabang.

Sa agrikultura, nagsimulang mapansin ang potensyal ng Oriental Mindoro sa mga raw materials na nagmumula rito.

Sa pagbisita ni DOST Sec. Fortunato Dela Peña, nagpahayag ang lalawigan ng Marinduque ng interes na makakuha ng  supply ng uraro mula sa Oriental Mindoro. Kasama nito ang ipinahayag ng DOST hinggil sa pangangailangan sa merkado ng kawayan na inaasahan din nilang maisu-supply ng lalawigan.

Tinutukan ang pagsa-sapamilihan ng produktong kalamansi sa pamamagitan Philippine Rural Development Project (PRDP) kung saan nabigyan ang lalawigan ng dalawang delivery truck van. 

Upang matulungan naman at makipagtuwang sa mga mamamayang Mindoreño na overseas Filipino workers, inilunsad ang One Stop Resource Center na tutulong sa mga kaanak ng OFWs na magkaroon ng pagkakakitaan at kaagad na isinunod dito ang Assist Well Program na magkatuwang na inilunsad ng Department of Labor and Employment at ng Pamahalaang Panlalawigan.

Inilunsad din nang taong ito at pinasigla ang Information, Communication and Technology (ICT) Council  sa lalawigan na inaasahang makatutulong sa pagpapabilis ng pagsasapamilihan ng mga produkto at serbisyo ng mga Mindoreño hindi lamang sa lokal kundi sa pandaigdigang merkado at  makapagbibigay maraming trabaho sa mamamayang Mindoreño sa pamamagitan ng on line jobs. 

Sa taon ding ito, naging aktibo ang Integrity Circle ng Integrity For Jobs o I4J kung saan ipinatupad ang integrity mechanisms tulad ng paglagda ng mga kawani at hepe sa pledge of commitment ng bawat tanggapan sa Kapitolyo, pagsusuot ng  I4J nameplate ng mga kawani, pagpapalabas ng mga infomercials sa Kapitolyo Para saa Mamamayan (KPSM), official television program ng Pamahalaang Panlalawigan at paglalagay ng mga kaganapan sa pagpapatupad nito sa official website ng Oriental Mindoro.

Gayundin, pinatunayan ng Pamahalaang Panlalawigan ang pakikilahok nito sa mga pagkilos para makapaghanda sa epekto ng climate change.  Binuo ang Provincial Project Team (PPT) para sa pagpapatupad ng Climate Resilient Green Growth (CRGG) ng Climate Change Commission, Global Green Growth Institute at ng Pamahalaang Panlalwigan . Sumailalim sa serye ng mga pagsasanay at mga gawain ang mga kasapi ng PPT upang maabot ang layunin ng naturang programa.

 Sa taon ding ito, bumisita  si PNP Chief Ronaldo  Dela Rosa.

Nagluksa ang lalawigan partikular ang mga kawani ng Kapitolyo sa pagpanaw ni dating Provincial Social Welfare and Development Officer Teresita Umbao.

Subalit nakatutuwa namang alalahanin na nanalo at  itinanghal na  Miss MIMAROPA Queen ang kinatawan ng Oriental Mindoro sa ginanap na MIMAROPA Festival sa Pto. Prinsesa, Palawan noong buwang ng Nobyembre.

Subalit ang isang hindi malilimutan sa taong ito ang parangal na muling natanggap sa ikatlong pagkakataon ng Oriental Mindoro,  ang Seal of Good Local Governance na ipinagkaloob ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nakabatay sa tatlong core assessment area, ang  good housekeeping, social protection at disaster preparedness gayundin sa  upgraded  essential qualifications na business friendliness and competitiveness,  peace and order and environmental management. Kasama ng lalawigan na  nakatanggap ng naturang parangal ang mga bayan ng Naujan at Bulalacao.

Makalipas lang ang mahigit isang buwan,  muling tumanggap na naman ang Brgy. Silonay, Lungsod ng Calapan ng parangal sa larangan naman ng pangangalaga sa kapaligiran, ang Excellence Award in Climate Resilient and Green Growth Practices.

Masiglang ipinagdiwang ang 66th Founding Anniversary ng lalawigan at ang naghahatid saya sa mga Mindoreño sa panahon ng kapaskuhan na Salong Dagitab.  Subalit muli itong sinalanta ng malakas na bagyo noong Disyembre 26 na tila siyang nagtapos ng  alaala sa taong 2016.

 Ngayong 2017, hangad ng KPSM na pawang magaganda, puno ng pag-asa at masisiglang balita ang maihahatid namin ngayon taon sa programang ito. 

 Nawa’y patuloy na magkapit-bisig ang mamamayang Mindoreño sa paglalakbay nito tungo sa higit pang ikatatagumpay at ikauunlad ng lalawigan ng Oriental Mindoro.  (Communication and Public Relations Services Division/Office of the Governor) Visit us and log on www.ormindoro.gov.ph. or like our Facebook page Oriental Mindoro-PIO