Main menu

Rice Industry Stakeholders forum, isinagawa

Published by admin on Thu, 02/02/2017 - 09:47

Matagumpay na naisagawa kamakailan ang Rice Industry Stakeholders Forum sa Riceland II, Lungsod ng   Calapan.          

Ang gawain ay dinaluhan ng mga opisyales at kasapi ng Oriental Mindoro Millers Association  sa pangunguna ni Bokal Juan Paulo Luna gayundin ng iba pang asosasyon ng mga magsasaka at mangangalakal ng  bigas at palay sa lalawigan. 

Naging panauhin sa okasyon sina Sangguniang Panlalawigan (SP) Committee Chair on Agriculture Bokal Ryan Z. Arago, Dr. Hubbert Christopher A. Dolor bilang kinatawan ni Bise-Gobernador Humerlito A. Dolor at Provincial Agriculturist Christine M. Pine. 

Dito, ipinaliwanag ni Provincial Agriculturist Pine ang kahalagahan ng forum at ang aktwal na nangyayari sa kalakalan ng bigas at ang epekto ng rice branding sa mga sako ng bigas na nanggagaling sa ating lalawigan.

Ayon naman kay Bokal Arago, ang pagiging food basket ng Oriental Mindoro sa Luzon at Visayas ay dapat panatilihin kung kaya’t dapat tutukan ang higit na pagpapaunlad sa produksyon ng palay.

Samantala sinabi naman ni Dr. Dolor na ayon sa Bise-Gob., patuloy na pag-aaralan at rirepasuhin ng SP ang mga naaangkop na polisiya na makatutulong sa industriyang ito sa lalawigtan.  

Sa ginanap pa ring forum tinukoy at tinalakay ang mga pangunahing kalakasan at suliranin sa pangangalakal ng   bigas sa lalawigan. Natukoy na naging kalakasan ng lalawigan ang pagkakaroon ng mga makabagong ricemill, mahusay na uri ng palay, mataas na nutritional content, at surplus ng stock ng bigas sa lalawigan.  Kahinaan naman,  ang kakulangan ng mga mechanical dryer na kailangan sa panahon ng tag-ulan, gayundin ang kakulangan ng manpower sa panahon ng anihan.  Nagiging problema din  ang  pagkakahalo ng bigas Mindoro sa ibang bigas sa kalakalan, maging ang muling paggamit (re-used) ng mga sako na maaring makaapekto at makapagpahina sa mataas na kalidad ng bigas sa merkado. Pinansin din ang mataas na gastos sa pagluluwas nito, maging ang presyo ng kuryente sa lalawigan  na nakaaapekto naman sa mga millers.

Sa bahagi ng produksyon ng palay, kalakasan ng lalawigan ang pagkakaroon at pagpapanatili ng matabang lupang sakahan at malawak na taniman ng palay.  Mapalad din ang Oriental Mindoro sa pagiging istratehikong lugar na kumukonekta sa Luzon at Visayas sa pamamagitan ng Strong Republic Nautical Highway. Aktibo at organisado ang mga kasalukuyang magsasaka sa pagtanggap ng mga programa tulad ng mga teknolohiya at mekanisasyon sa sakahan. Samantala, kahinaan namang maituturing sa produksyon ng palay ang kakulangan pa rin sa irigasyon at ang kawalan ng interes ng maraming kabataan sa pagbubukid na makaaapekto nang malaki sa hinaharap ng agrikultura. 

Dahil sa  resulta ng mga pag-aaral sa forum, may ilang rekomendasyon na dapat mabigyan ng aksyon  para sa mga millers at mangangalakal ng bigas. Ilan  dito ay   ang mga sumusunod:  dagdagan pa ang mechanical dryer, pagkakaroon ng mas madami at modernong  ricemill,  paglalagay pa ng maraming weigh bridge at ang istriktong implementasyon ng Consumer's Act.  Samantala nagkaroon naman ng istratehikong plano para sa produksyon o pagtatanim ng palay tulad ng pagkakaroon ng comprehensive agricultural development action plan,  pasgsasagawa ng mga intervention, pag-angkop sa klima, konserbasyon at iba pang istratehiyang pangsakahan. (Communication and Public Relations Services Division/Office of the Governor) Visit us and log on www.ormindoro.gov.ph. or like our Facebook page Oriental Mindoro-PIO