Main menu

USAID at mga konsernadong ahensya, katuwang sa pangangalaga ng kalikasan

Published by admin on Thu, 02/02/2017 - 09:44

Ang maitiyak ang pangangalaga sa kalikasan ng Oriental Mindoro at ang makapagkaloob ng dagdag kabuhayan sa mga ito.

Dito sumisentro ang convergence program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), United States Agency for International Development (USAID) sa pamamagitan ng Biodiversity and Watersheds Improved for Stronger Economy and Ecosystem Resilience (B+WISER) program, at Department of Environment  and  Natural Resources (DENR),  sa pakikipagtuwang sa Pamahalaang Panlalawigan na pinamumunuan ni Gobernador Alfonso V. Umali Jr.

Ayon kay Gob.Umali, ang Pamahalaang Panlalawigan sa ilalim ng kanyang  administrasyon ay aktibong nagpapatupad ng mga programa’t proyektong tumututok sa pangangalaga sa kalikasan. Bilang patunay,  ang Silonay Mangrove Conservation and Ecopark sa  Lungsod  ng Calapan  ay tumanggap na  ng pagkilala mula sa Global Green Growth Institute (GGGI), dahil sa  maayos na pangangalaga rito ng pamahalaan. Binigyang-diin ng Gobernador na marapat  lamang na magpatuloy  ang pasasama-sama upang mas  maitiyak pa  ang pagprotekta sa kalikasan ng lalawigan. Kabilang sa mga gawaing ito ang  forest and mangrove restoration, maintenance and protection ng Naujan Lake National Park (NLNP) gayundin sa sub –watersheds ng Oriental Mindoro.

Kaugnay nito, sa naturang programa, nakapaloob ang proyektong nursery establishment at seedling production na magbibigay katulungan sa mga benepisyaryo  bilang  isa  sa  kanilang mga pinagkakakitaan.  Sa  pamamagitan  nito,  ang  mga  punong magmumula sa proyekto ay itatanim naman ng pamahalaan sa natukoy na lugar ng mga bayan ng Naujan, Baco, at San Teodoro.  Nauna nang  nagtanim sa ilang  barangay sa Baco, partikular sa Barangay San Ignacio ang mga pinuno at kinatawan ng mga konsernadong ahensya  ng pamahalaan, USAID officials, Pamahalaang Bayan ng Baco, PNP officials at iba pa.  Ito ay bilang suporta  na rin  sa National Greening Program (NGP)  ng pamahalaang nasyunal.

Ayon kay DSWD Regional Director Wilma D. Naviamos, hindi lamang pagkakaloob ng tulong pinansyal sa mga benepisyaryo ng 4Ps ang kanilang tinututukan  kundi maging  ang sustainable  livelihood program  ay ipinagkakaloob din nila.

Ayon naman kay Baco Mayor Reynaldo Marco, napakahalaga ng gawaing ito na pumoprotekta sa kalikasan lalo pa’t  ang magbebenipisyo ay hindi  lamang ang kasalukuyan kundi  ang mga susunod  pang henerasyon.

Samantala, sa unang bahagi ng proyekto,  492 Pantawid Pamilya beneficiaries ang naging katuwang ng pamahalaan sa nursery establishment at  1,378 Pantawid Pamilya beneficiaries naman sa ikalawang bahagi, na may proyekto para sa ringweeding and  mulching, outplanting of seedlings, at post planting monitoring. 

 

Ang hakbanging ito ng pamahalaan ay naglalayong mapalawak  ang pagbibigay proteksyon  sa kalikasan at maisama ang mga mamamyan sa puspusang kampanya sa pangangalaga ng kalikasan at maalalayan sa kanilang pamumuhay.  (Communication and Public Relations Services Division/Office of the Governor) Visit us and log on www.ormindoro.gov.ph. or like our Facebook page Oriental Mindoro-PIO