Main menu

Best health implementors pinarangalan

Published by admin on Thu, 02/02/2017 - 09:43

Nakuha ng Pola ang parangal bilang Most Outstanding Local Government Unit sa pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan sa ginanap na Joint Program Implementation Review and Recognition 2015 sa Feraren Hills Resort, sa Brgy. Lumangbayan, Lungsod ng Calapan kamakailan.

 

Pumangalawa ang bayan ng Bansud at pumangatlo ang bayan ng Roxas.

 

Naging panauhin sa naturang okasyon sina  Department Of Health (DOH) Regional Director  Eduardo Janairo,  DOH  Assistant Regional Director Dr. Faith Alberto, Bise-Gobernador Humerlito A. Dolor, Executive Assistant to the Govenor Dr. Romeo Infantado, na kumatawan kay Gob. Alfonso V. Umali, Jr;.  Nakiisa rin sa gawain sina Naujan Mayor Mark Marcos, Baco Mayor Reynaldo Marco,  Pinamalayan Mayor Aries Baldos at Bulalacao Mayor Ernilo Villas. Naroon din sina Provincial Health Officer Dr. Normando Legaspi, OMPH Chief Dr. Marpheo Marasigan at PHO Consultant Dra. Elsa Alberto.

 

Sa gawain, ipinaalala ni Dir. Janairo ang mahalagang papel na ginagampanan ng health workers partikular sa pagpapababa ng antas ng malnutrisyon sa lalawigan. Sinabi nitong mahalaga na mag-level up na rin ang mga proyekto at programang pangkalusugan na ipatutupad alinsunod na rin sa kagustuhan ng Pangulong Duterte, na maibsan ang kahirapang dinaranas ng mga mahihirap kung matutulungan ang mga ito sa mga krisis na sitwasyon. Kung maaari, aniya, ay maisama na sa local implementation plan ang pagtukoy sa mga  may malulubhang sakit sa mga barangay na kanilang nasasakupan at matulungan ang mga itong kung hindi man malibre ay mapababa ang mababayaran sa pagpapagamot. Itinagubilin din niyang alamin ang mga pangunahing pangangailangan sa kalusugan ng mga barangay na nasasakupan ng mga health workers at itaas ang kalidad ng mga pasilidad na kailangan ng mga ito. Nagsisilbi rin, aniyang investment ng pamahalaan ang mga itinatayong pasilidad pangkalusugan para sa mga mamamayan. 

 

Tinalakay naman ni PHO Technical Services Chief Norine Dacula ang mga kahinaan at hamon sa kakayahan ng health implementers upang mas pagbutihin pa ng mga ito ang kanilang pagse-serbisyo.

 

Nagpahayag naman si Bise-Gob. Dolor ng pagdadagdag ng premyong magsisilbing pondo ng mga Rural Health Unit sa nanalong outstanding LGU sa pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan sa kani-kanilang nasasakupan.

 

Nagkaloob din ng  parangal   sa iba’t ibang kategorya ng serbisyo ng health workers ang Pamahalaang Panlalawigan.  

 

Naging tampok din sa okasyon ang hataw ng bayan na pinangunahan ng OMNHS dancers na pinamamahalaan ni Rhodora Barojabo gayundin ang paglagda ng mga opisyal at health implementors bilang komitment ng mga ito para sa ikatatagumpay ng tema nitong, “All for health towards Health for all.” (Communication and Public Relations Services Division/Office of the Governor) Visit us and log on www.ormindoro.gov.ph. or like our Facebook page Oriental Mindoro-PIO