Main menu

Victoria Central School, wagi sa Drums and Glockenspiel Competition

Published by admin on Tue, 12/06/2016 - 09:04

Nakuha ng Victoria Central School ang unang pwesto sa Tunog Mindoro Drums and Glockenspiel Competition para sa elementary level na ginanap noong Nobyembre 11 sa Oriental Mindoro National High School grounds.

Isa ito sa mga tampok na gawain kaugnay ng pagdiriwang ng 66th Founding Anniversary ng Oriental Mindoro.

Tinanggap ng mga kinatawan ng mga nanalong paaralan mula kay Gobernador Alfonso V. Umali, Jr. ang P50,000 cash prize at tropeo.

Ikalawang pwesto naman ang nakuha ng Adriatico Memorial School ng Calapan City na tumanggap ng P30,000 cash prize at tropeo samantalang ikatlong pwesto ang San Teodoro Central School na nakakuha ng P20,000 cash prize at tropeo.

Samantala, pinagkalooban din ng sertipiko ng pagkilala ang iba pang kalahok na kinabibilangan ng Jose J. De La Cruz, Sr. Elementary School ng Victoria, Puerto Galera Central School, Gloria Central School, Roxas Central School, at Bethel Elementary School mula pa rin sa Victoria.

Nagsimula ang paligsahan sa Bulwagang Panlalawigan ng Kapitolyo at nagtapos sa oval ng Oriental Mindoro National High School (OMNHS) kung saan ginanap ang in-place competition.

Sa pambungad na programa, sa ngalan ng mga kasamahaan niya sa Sangguniang Panlalawigan, pinasalamatan ni Board Member Jean Paolo Umali ang mga opisyal ng mga paaralang lumahok, ang mga kabataang estudyante at kanilang mga magulang at lahat ng nagkaloob ng tulong upang maging matagumpay ang naturang gawain.

Sa kanyang mensahe, sinabi naman ni Gob. Umali na sa kabila ng pagiging simple ng  selebrasyon ay makikita naman na nag level-up na ang iba’t ibang aktibidad  dahil sa pagkakaisa ng lahat.

Binanggit din ng gobernador na kasabay ng founding anniversary ng Oriental Mindoro ang muling pagdaraos ng MIMAROPA Festival sa Puerto Prinsesa City, Palawan.  Pinag-uusapan na, aniya, ang MIMAROPA dahil  ito ang kauna-unahang lugar na nagdaraos ng isang regional festival.  Higit  ang pagmamalaki ng Oriental Mindoro sapagkat ang lalawigan ang nagsimula ng nabanggit na gawain, dagdag pa ng gobernador. 

Ang Tunog Mindoro Drums and Glockenspiel Competition ay pinangasiwaan ng Provincial Tourism, Investment and Enterprise Development Office (PTIEDO). (Communication and Public Relations Services Division/Office of the Governor) Visit us and log on www.ormindoro.gov.ph. or like our Facebook page Oriental Mindoro-PIO