Main menu

Oriental Mindoro - muling nakatanggap ng SGLG award

Published by admin on Mon, 11/28/2016 - 11:31

Tuluy-tuloy ang pagpupunyagi ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Gob. Alfonso V. Umali, Jr. na buong husay na maipagkaloob ang mga serbisyong kinakailangan ng mamamayang Mindoreño. Ito ay sa pamamagitan ng mga programa at proyekto gayundin ang mga inobasyon sa pamamahala  nito para sa higit pang ikauunlad  ng Oriental Mindoro.

 

Noong Oktubre 27, muling  nakatanggap ng parangal mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro ng Seal of  Good Local Governance Award sa isang seremonya na ginanap sa Sofitel Philippine Plaza sa Maynila. 

 

Layunin ng SGLG awards na maipakilala ang mahusay na pamamahala tungo sa pagkakaroon ng mahusay na pagkakaloob ng serbisyo ng pamahalaan.

 

Pangunahing nakabatay ang naturang parangal sa mahusay at tapat na paglilingkod ng pamunuan ng administrasyong Umali sa mga mamamayan nito bilang mga lingkod-bayan.  Ito ang ikatlong pagkakataon  na nakatanggap ang lalawigan ng ganitong parangal. Nauna na rito ang Seal of Good Housekeeping  noong 2011 sa panahon ng yumaong si dating DILG Secretary Jesse Robredo na siyang nagsimula at may-akda ng  naturang parangal.

 

Nakasama rin sa naturang parangal ang mga Pamahalaang Bayan ng Naujan at Bulalacao  na  personal na tinanggap nina Naujan Mayor Mark Marcos at Bulalacao Mayor Ernilo Villas.

 

Ang Oriental Mindoro at ang mga bayan ng Naujan at Bulalacao ay nakabilang sa 306 na mga lalawigan,  lungsod at bayan sa buong bansa na nakapasa sa mga pamantayan ng DILG para sa SGLG award.

 

Naging pamantayan sa naturang parangal ang pagpasa ng lalawigan at ng dalawang nabanggit na bayan sa tatlong core assessment area, ang Good Financial Housekeeping o ang masinop na pamamahala sa pinansya ng lalawigan, Social Protection o ang pagkakaloob ng serbisyong panlipunan partikular sa mga kapus-palad, may mga kapansanan at mga pangunahing mamamayan o senior citizen; at Disaster Preparedness o pagsasagawa ng mga paghahanda sa kalamidad; at nakapasa rin sa mga kwalipikasyong business friendliness and competitiveness, peace and order at environmental management.

 

Ngayong taon, nakasama sa isinagawang upgrading ng mga kwalipikasyon ang tama at updated na remittance ng mga obligasyong bayarin ng Pamahalaang Panlalawigan sa Government Service Insurance System (GSIS).

 

Dahil sa naturang parangal, nakabilang ngayon ang lalawigan at ang dalawang nabanggit na bayan sa makatatanggap ng Performance Challenge Fund at cash grants  bilang premyo na nakalaang gugulin sa mga matataas na uri ng proyekto na nakalinya sa Annual Investment Program partikular sa larangan ng sustainable development goals, local economic development, disaster preparedness at climate change adaptation, environmental protection at transparency and accountabiity. Layunin nito na maipakilala ang masinop na pamamahala ng naturang pondo sa paggugol sa mga proyektong magbabalik at magpapanatili ng tiwala ng mamamayan sa pamahalaan at ang mahusay na pamamahala sa mga nasasakupan nito. Hinihikayat din dito ang aktibong partisipasyon ng mga mamamayan at pakikiisa sa pagpapatupad ng mga proseso, programa at proyekto na magdudulot ng higit pang pagbabago sa lokal na pamamahala. (Communication and Public Relations Services Division/Office of the Governor) Visit us and log on www.ormindoro.gov.ph. or like our Facebook page Oriental Mindoro-PIO