Main menu

SUNSHINE MAI MOJICA, ITINANGHAL NA 2016 PANTAWID PAMILYA EXEMPLARY CHILD

Published by admin on Mon, 11/28/2016 - 11:28

Sa ipinamalas na husay sa pagrampa at matalinong pagsagot sa mga hurado, itinanghal na 2016 “Kaya Ko Ang Pagbabago” Provincial Search for Pantawid Pamilya Exemplary Child si Sunshine Mai Mojica, 13 taong gulang at Grade 8 student ng Laguna National High School ng bayan ng Naujan sa patimpalak na pinangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ginanap sa Gaisano Capital Calapan kamakailan.

Tumanggap si Sunshine ng tropeo, sash, at cash prize na nagkakahalaga  ng P13,000.00

Ang Search for Pantawid Pamilya Exemplary Children ay hinati sa apat na kategorya - ang intelligence, talent, behavior, at community participation kung saan ang walong contenders ay nagpamalas ng kani-kanilang galing.

Layunin ng programa na kilalanin ang mga kabataang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa pamamagitan ng malaking kontribusyong naipagkakaloob ng mga ito sa kanilang mga tahanan, paaralan at komunidad bilang mga huwarang kabataan. Sa patimpalak na ito na isinasagawa ng DSWD sa buong bansa, pangunahing kwalipikado ay ang mga mahihirap na kabataang benepisyaryo ng 4Ps.

Sa kanyang mensahe, binigyang-halaga ni DSWD Pantawid Pamilya Provincial Link Maridel T. Rodriguez ang malaking kontribusyong naipagkakaloob ng mga kabataan sa kanilang pagiging responsableng mamamayan lalo na sa  kanilang mga tahanan, paaralan at komunidad. Aniya, ang mga kabataang ito ay itinuturing na “catalysts of change”. Aniya pa, simple man ang pamumuhay at may kakapusan  sa pananalapi ay patuloy namang kinakikitaan ang mga kabataang ito ng pagsisikap na iangat ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pag-aaral.

Samantala, nag-3rd place naman si Sunshine sa regional search na ginanap sa Best Western Hotel, Ermita Maynila noong Oktubre 27 kung saan tumanggap siya ng P12,000.  Noong nakaraang Nobyembre 17-22, nakabilang din si Mojica sa delegado sa ginanap na National Childrens’ Congress sa Green Hills  Elan Hotel Modern, San Juan City. (Communication and Public Relations Services Division/Office of the Governor) Visit us and log on www.ormindoro.gov.ph. or like our Facebook page Oriental Mindoro-PIO)