Main menu

Isang buwan matapos na manalanta: Epekto ng Bagyong Nona, ramdam pa rin ng mamamayan

Published by admin on Thu, 01/21/2016 - 15:29

Bagaman mag-iisang buwan na ang nakalipas matapos salantain ng bagyong Nona ang ilang mga bayan sa Oriental Mindoro noong Dec. 15 ng nakaraang taon, iniinda pa rin ng mga naging biktima ng bagyo ang pinsalang naidulot nito sa kanila na nagresulta ng pagkawasak ng kanilang mga tahanan, paaralan, at kabuhayan.

Isa lamang sa nagtamo ng malubhang pinsala  ang Barangay Bayanan sa bayan ng Baco na halos  ikabura nito sa mapa ng naturang bayan na natabunan ng malalaking bato na may halong banlik.

Sa pag-aakalang ligtas, dahil na rin sa mga nagdaang bagyo na hindi naman tumuloy, kampante ang mga residente na walang bahang darating sa kanila.

Ang karatig barangay naman nitong Mangangan apektado rin at halos magmistulang malaking ilog. Ang malaking tubo  na dinadaanan ng  kanilang tubig ay naputol at natabunan na rin ng buhangin at bato.

Sa panayam kay Madam Ednalyn Gunday, punong-guro ng Bayanan Elementary School, isinalaysay niya ang mga nangyari sa kasagsagan ng bagyo. Naikwento rin nya ang masayang komunidad nila lalo na ang kanilang paaralan na sinikap nilang maitaguyod at  mapaunlad at ngayon nga’y mananatili na lamang itong isang alalala.

Samantala, matapos ang unos, sa pagbabaka-sakaling may matira kahit isang libro lamang na maaari pa nilang magamit, kasama  ni Madam Gunday ang  kanyang kapwa  guro na bumalik sa kanilang natabunang paaralan.

Ang mga gamit sa paaralan, nadala ng baha, kung saan-saan nila nakita. Lalo silang nanlumo nang makita ang pinaka-billboard na kinasusulatan ng vision-mission ng kanilang paaralan, at ang monitor ng kanilang computer.

Anila, nasa 379 batang mag-aaral ang apektado sa pagkawala ng kanilang paaralan.

Nagpapasalamat naman aniya’ sila dahil buo ang suporta sa kanila ng Department of Education (DepEd), at lokal na pamahalaan.

Ang mga residente ng barangay Bayanan, na tila itinaboy sa pangpang ng malawak na ilog, nagtayo ng kanilang pansamantalang matutuluyan sa nasabing  baybaying ilog habang naghihintay ng paglilipatan nila  na kasalukuyang inaasikaso  na ng Pamahalaang Panlalawigan.

Nagbigay ng direktiba si Gobernador Alfonso V. Umali Jr na pabilisin ang proseso ng pagtulong hinggil sa lilipatan ng mga naapektuhang mamamayan. Nakipag-ugnayan na rin si Gob. Umali sa mga ahensya at samahang makakatulong nito tulad ng Rotary Club of Lipa, Tzu Chi Foundation at Habitat for Humanity upang alalayan sa programang pabahay ang mga naapektuhang mamamayan.

Ayon naman kay Lea Botones, isa sa mga residente ng Bayanan, nagpapasalamat sila sa tulong na nakakarating sa kanila. Ngunit umaasa pa rin silang magtuluy-tuloy ang pag-alalay na ito tulad ng mga natatanggap nilang relief goods dahil sa kanilang kasalukuyang sitwasyong walang pinagkakakitaan.

Mapalad naman sila dahil, anila, buo ang suporta sa kanila ng Pamahalaang Bayan ng Baco at ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Gob. Umali na tuluy-tuloy na nakikipagtuwang sa iba’t-ibang ahensya at samahan upang tumutulong sa mga naapektuhan ng kalamidad.

Panawagan ng isang konsehal na Mangyan sa  Barangay Bayanan sa Baco, na nanguna sa paglilikas ng mga residente dito  nang dumating ang rumaragasang tubig, na  suriin ng konsernadong ahensya ng pamahalaan ang itaas ng kanilang bundok na tila  nagluwa ng malalaking bato pababa kasama  ng tubig –baha na nagmula rito.

Samantala, ang Barangay Banilad, Pinamalayan, tinatayang humigit-kumulang sa 15 kilometro ang layo mula  sa poblacion ng naturang bayan at pinananahanan ng 1,976 na mga mamamayan o  600 pamilya na kasalukuyang umaasa lamang sa pagkokopra at pangingisda.

Ayon sa mga barangay officials dito, namumroblema sila sa kawalan ng pagkakitaan, dahil ang mga punong niyog nila, mistulang mga kandilang naupos dulot ng pinsalang iniwan ng Bagyong Nona. Anila pa, nasira rin ang kanilang mga lambat at bangka at iba pang pinagkakakitaan.

Si Madam Lucia Señorin naman, isang guro ng Banilad Elementary School, matiyagang nagtuturo sa kanyang mga estudyante sa ilalim ng tolda na pansamantalang nagiging bubong at panangga ng kanyang mga mag-aaral mula sa matinding sikat ng araw. Sira na ang pisarang ginagamit nila, at ang mga librong natira ay kanilang pinatutuyo sa init ng araw upang muling magamit. 

Halos isang buwan na ang nakararaan matapos ang pananalanta ng Bagyong Nona ngunit patuloy pa rin ang pagdagsa ng mga tulong mula sa lokal, nasyunal at internasyunal na mga organisasyon sa inisyatiba na rin ng tuluy-tuloy na pakikipag-ugnayan ng mga lokal na pinuno ng lalawigan ng Oriental Mindoro.

Nais iparating ng mga Mindoreño ang taus-pusong pasasalamat sa tulong na inyong ibinibigay at patuloy pa rin sa pagkatok sa mga may mabubuting puso sa patuloy na pag-alalay sa mga kababayan nating nangangailangan ng tulong. (Communication and Public Relations Services Division/Office of the Governor) Visit us and log on www.ormindoro.gov.ph. or like our Facebook page Oriental Mindoro-PIO