Main menu

Cong. RU tumulong sa pagpapabilis ng pagbangon ng lalawigan: Livelihood projects para sa mga biktima, isinusulong

Published by admin on Thu, 01/21/2016 - 15:27

Hindi dapat matigil ang mga pagkilos dahil lamang sa umalis ang isang mataas na pinuno at kinakailangang gumanap pa sa mas mataas na posisyon sa bansa. Pinatunayan ito ng pamunuan ni Gob. Umali nang bagama’t hindi na nasasakop ng isang kongresista ang kabuuan ng lalawigan ay gumanap si 2nd District Cong. Reynaldo Umali sa pangkabuuang kapakanan ng lalawigan habang wala ang punong lalawigan.

 

Pinasalamatan ni Provincial Administrator Nelson B. Melgar si 2nd District Congressman Reynaldo Umali sa pag-akto nito at pangunguna sa pagtulong na mabilis na makabangon ang lalawigan ng Oriental Mindoro sa pamamagitan ng personal na paggabay nito sa iba’t ibang sektor lalo na sa panahong si Gob. Umali ay kinakailangang umalis upang tugunan at gumanap sa tungkulin nito sa pamahalaang nasyunal partikular sa panahon ng kalamidad.

 

Sa ipinatawag na pagpupulong ni Cong. RU noong Disyembre 26, sinabi niyang ginawa niya ito hindi bilang kongresista kundi isang Mindoreño na kinakailangan kumilos, makiisa at tulungan ang mga kababayang naapektuhan ng bagyong Nona na mabilis na makabangon mula sa inilugmok nitong buhay at kabuhayan.

 

Binigyang-gabay rin niya ang iba’t ibang sektor hinggil sa sistematiko at mabilis na pagtataya ng lawak ng naging damage ng bagyong Nona at ang mga pamamaraan ng pagbangon mula sa naging epekto nito. Ibinahagi at ginawa niyang halimbawa ang naging mabilis na pagkilos ng ORMECO at Meralco na nagtuwang upang mapabilis ang pagpapanumbalik ng kuryente sa lalawigan matapos ang kalamidad.

 

Kaugnay nito,  ibinalita rin ng kongresista ang mga ahensya at institusyon na kinausap niya hinggil sa tulong na maaaring ibigay ng mga ito kabilang na dito ang Calapan Waterworks Services and Development Corporation, at ang Habitat for Humanity na mabilis aniyang nakagawa ng 20 bahay sa loob lamang ng apat na araw matapos ang kalamidad.

 

Sinabi rin ng Kongresista na mahalagang magkaroon ng mga crisis manager mula sa itaas hanggang sa mga barangay sa panahon ng kalamidad na siyang mangunguna sa pagkilos at pakikipag-ugnayan sa mga konsernadong ahensya para sa mabilis na pagtugon sa mga pangangailangan. (Communication and Public Relations Services Division/Office of the Governor) Visit us and log on www.ormindoro.gov.ph. or like our Facebook page Oriental Mindoro-PIO