Main menu

DA tutulong sa mga magsasakang Mindoreño - DA Sec. Alcala

Published by admin on Thu, 01/21/2016 - 15:25

Kabilang sa mga naging pagkilos ni Gobernador Alfonso V. Umali, Jr. upang mabilis na makabangon ang mga naapektuhan ng Bagyong Nona sa lalawigan ay ang paghingi ng tulong sa mga ahensya ng pamahalaang nasyunal na kaagad namang tinugunan ng mga ito.

 

Nakahandang tumulong ang Department of Agriculture (DA) sa abot ng makakaya nito sa mga magsasaka sa Oriental Mindoro na naapektuhan ng bagyong Nona.

 

Ito ang ipinahayag ni DA Sec. Proceso Alcala nang bumisita siya sa lalawigan at pinulong ang iba’t ibang konsernadong ahensya at kinatawan ng pagsasaka sa Kapitolyo noong Disyembre 28.

 

Bagama’t sinabi niyang hindi lahat ng pangangailangan sa nasirang mga pananim  at iba pang kabuhayan ay kakayaning tugunan ng DA, sisikapin naman, aniya, sa abot ng kanilang makakaya na unti-unti ay makabangon ang mga apektadong magsasaka sa lalawigan.

 

Hinikayat din nito na kumuha ng crop insurance ang mga magsasaka partikular ang mga may taniman upang makaseguro at mabayaran ang mga nasirang pananim sa panahon ng kalamidad.  Sa mga interesado, sinabi niyang maglalagay sila ng mga application form sa tanggapan ng Provincial Agriculture Office.

 

Pasasalamat naman ang ipinaabot ni Gob. Umali kay Sec. Alcala sa mabilis nitong pagtugon at pagpapadama ng pag-alalay sa mga magsasaka ng Oriental Mindoro. (Communication and Public Relations Services Division/Office of the Governor) Visit us and log on www.ormindoro.gov.ph. or like our Facebook page Oriental Mindoro-PIO