Main menu

Mga estudyante ng OMNHS wagi sa Salong Dagitab Logo Design Contest

Published by lewyer on Fri, 11/27/2015 - 00:00

Napili bilang logo ng Salong Dagitab at nakatanggap ng limang libong pisong cash prize at medalya mula kay Gobernador Alfonso V. Umali, Jr. ang likhang guhit ni Madhel Mercado ng Oriental Mindoro National High School (OMNHS) sa programang ginanap sa Kapitolyo kaugnay ng muling pagbubukas ng Salong Dagitab noong gabi ng Nobyembre 15.

Kasama ni Gob. Umali sa pagkakaloob ng mga premyo si Provincial Legal Officer Atty. Kristine Grace L. Suarez, Co-Chairperson ng Salong Dagitab Executive Committee.

Bukod kay Mercado, mag-aaral din ng OMNHS ang nakakuha ng ikalawang pwesto na si Via Marie Roda na may P3,000 cash prize at ikatlong pwesto na si Lealyn Javier na tumanggap naman ng P2,000 cash prize.

Nauna rito, isinagawa noong Nobyembre 9 ang  Salong Dagitab Logo Design Contest  sa Mangyan Hall ng Kapitolyo.

Ang nabanggit na paligsahan ay isa sa mga aktibidad kaugnay ng pagdiriwang ng 65th Founding Anniversary ng Oriental Mindoro. Layunin nito na bigyan ng natatanging pagkakakilanlan ang Salong Dagitab ng Oriental Mindoro na Pamaskong programa sa Kapitolyo ni Gob. Umali.

Samantala, naging mga hurado sa patimpalak sina Ginoong Felipe Chan, Ginoong Osias Navarro, Ginoong Efren Garcellano, Ginoong Aristedes Leuterio at Ginang Nanette Macaguiwa. (Communication and Public Relations Services Division/Office of the Governor) Visit us and log on at www.ormindoro.gov.ph