Main menu

DABALISTIHIT FESTIVAL ng Naujan kampeon sa Sandugo Cultural Dance Showcase

Published by lewyer on Fri, 11/27/2015 - 00:00

Tinanghal na Grand Champion  ang DABALISTIHIT FESTIVAL ng bayan ng Naujan sa Sandugo Cultural Dance Showcase na ginanap sa Oriental Mindoro National High School, Lungsod ng Calapan noong Nobyembre 13 na bahagi pa rin ng pagdiriwang ng 65th Founding Anniversary ng Oriental Mindoro.

Tumanggap ang Naujan ng plake ng pagkilala mula kina Gobernador Alfonso V. Umali, Jr. at Bise-Gobernador Humerlito A. Dolor.

Nakuha naman ng Mangyan Festival ng Mansalay ang ikalawang pwesto  samantalang nasa ikatlong pwesto ang Sipag Festival ng Roxas na kapwa tumanggap ng plake ng pagkilala.

Nagkaloob din ng iba pang minor awards tulad ng Best in Discipline na nakuha ng Kawayanan Festival ng Gloria; Best in Rhythm Exhibition naman ang Kapakyanan Festival ng Victoria; Best in Costume and Props din ang Dabalistihit Festival ng Naujan, samantalang Best in Street Dancing at Best in Concept  ang Mangyan Festival ng Mansalay. 

Ayon sa Gobernador, malayo na ang ating naabot  at talagang nag level-up na ang mga aktibidad sa pagdiriwang ng 65th Founding Anniversary ng Oriental Mindoro.  Dahil ditto, taos-pusong pasasalamat ang pahatid niya sa mga punumbayan ng lalawigan pati na sa mga lokal na opisyal ng MIMAROPA region

Masaya namang ipinahayag ni Bise-Gobernador Dolor na magkakaloob pa sila ni Gob. Umali ng karagdagang  sampung libong pisong cash incentive para sa lahat ng contingent na lumahok sa naturang paligsahan. 

Naging panauhing pandangal naman sa okasyon si Department of the Interior & Local Government Assistant Secretary Nariman Ambolodto.

Lumahok din sa nabanggit na paligsahan ang Kaaldawan Festival ng Puerto Galera; Bahaghari Festival ng Pinamalayan, Biniray Festival ng Bulalacao, Basudani Festival ng Bansud, Pakapya Agtike Festival ng Socorro, Adyawan Festival ng San Teodoro,  Banana Festival ng Baco at Sab-uyan Festival ng Pola.

Magkakatuwang sina Gob. Umali, Bise-Gob. Dolor at Asec Ambolodto sa paggawad ng plake ng pagkilala sa mga bayang kalahok  at maging sa mga nagsilbing hurado ng paligsahan.

Ang DABALISTIHIT FESTIVAL ang siyang kumatawan sa lalawigan ng Oriental Mindoro sa MIMAROPA Dance Parade Competition. (Communication and Public Relations Services Division/Office of the Governor) Visit us and log on at www.ormindoro.gov.ph