Main menu

MATAAS NA KALIDAD NG PRODUKTO - KAILANGANG PANATILIHIN

Published by lewyer on Fri, 11/27/2015 - 00:00

Ang pagpapanatili sa mataas na kalidad ng mga produkto base sa market demands at standards, ang pagsasaayos ng mga pasilidad sa produksyon at mga suportang imprastraktura tulad ng farm-to-market roads at ang patuloy na implementasyon ng Philippine Rural Development Program (PRDP).

Ilan lamang ang mga ito sa mga natukoy na rekomendasyon ng institutional buyers sa ginanap na Market Matching noong Nobyembre 11 sa Tamaraw Hall na bahagi ng pagdiriwang anibersaryo ng lalawigan.

Ang gawain na pinangasiwaan ng Provincial Agriculturist's Office (PAgO), sa pamumuno ni Provincial Agriculturist Christine Pine, ay naglayong matipon sa ang mga mamumuhunan, mga negosyante at ang mga samahan ng mga magsasaka, local manufacturers at raw material suppliers upang mapalakas ang iba't ibang industriya sa lalawigan.

Partikular na tinutukan sa gawain ang pagsasa-merkado ng virgin coconut oil, calamansi at saging na mga pangunahing produktong agrikultural ng lalawigan.

Sa isinagawang small group discussions, napag-alaman na kabilang sa mga kinakaharap na suliranin ng mga supplier ay ang hindi pagsunod sa mga itinakdang food safety standards sa kanilang mga pasilidad, ang mataas na halaga ng produksyon at ang suliranin sa transportasyon ng mga kalakal.

Naging pangunahing tagapagsalita sa gawain si Department of Trade and Industry (DTI) Regional Director Joel Valera. Aniya, ang market matching ay umpisa lamang ng proseso kung paanong magkakaroon ng matagumpay na ugnayan sa pagitan ng institutional buyers, mga negosyante at mamumuhunan gayundin ang mga samahan ng mga magsasaka at agri-based processors sa lalawigan. 

Aniya, mahalagang maitiyak na may value-added sa mga produktong inilalabas ng lalawigan at may mataas na kalidad ng pagpoproseso ng mga ito, sumailalim sa mga kinakailangang laboratory tests, may magandang packaging at labelling o visual merchandise at iba pang mahahalagang aspeto ng isang produkto.

Binigyang-diin naman ni Gobernador Alfonso V. Umali, Jr. na ang Market Matching ay malaking tulong para sa higit na pagpapaunlad ng agrikultura at iba pang industriya sa lalawigan. Kinakailangan aniya ito upang malawak ang merkadong pinagdadalhan ng mga produkto ng lalawigan.

Ayon naman kay Provincial Administrator Nelson B. Melgar, magandang pagkakataon ito upang maipakita at maipakilala ang mga produktong maaaring maipagkaloob ng mga magsasakang Mindoreño, base sa mga pangangailangan ng mga institutional buyers.

Iprinisenta ni Provincial Agriculturist Pine ang malaking investment potentials ng Oriental Mindoro. Aniya, base sa tala ng Bureau of Agricultural Statistics (BAS), nananatiling  Oriental Mindoro pa rin ang Calamansi King ng bansa, ang ika-10 lalawigan sa saba production at ika-9 sa lakatan production base sa tala ng Bureau of Agricultural Statistics (BAS). Nasa 50 porsyento nang kabuuang produksyon ng calamansi ng bansa ang nagmumula sa Oriental Mindoro at nasa 99% ng produksyon ng rehiyon. Nasa 31, 238 magsasaka naman ang nakadepende sa niyog ang kabuhayan.

Kabilang naman sa mga naging bisitang institutional buyers sina VCO Producers and Traders Association of the Philippines Director Diane Agnes Cristobal, kasama si Teodoro Calasanz, Philippine Calamansi Association, Inc. Board of Trustee Aldrin Escobar, at Sherwin de Guzman at Richard Belen na kinatawan ng CSS-LT Cesar S. Teng na isang kumpanyang mamimili ng mga sariwa at naproseso nang produktong saging.  

Matapos matukoy ang mga suliranin at maglatag ng kaukulang rekomendasyon, sa tulong ng pamahalaan at sa pakikiisa ng mga konserndong sektor, higit nang naitataas ng kalidad ng produktong Mindoreño at maisasakatuparan na ang tuluy-tuloy na pagsusulong ng kabuhayan ng mga magsasaka, agri-processors at micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa lalawigan. (Communication and Public Relations Services Division/Office of the Governor) Visit us and log on at www.ormindoro.gov.ph