Main menu

PARUSA SA LALABAG SA RA 10654 NG PANGINGISDA, PINABIGAT

Published by lewyer on Fri, 11/20/2015 - 00:00

Naging mas malinaw sa hanay ng mamamahayag ang usapin hinggil sa naamyendahang RA8550 o ang Philippine Fisheries Code of 1998, ang ngayo’y Republic Act 10654 ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR). Ito ay matapos isinagawa ang Media Conference sa City Garden Suites, Ermita  Maynila,  noong Oktubre 26-28 na dinaluhan ng media practitioners mula sa iba't ibang panig ng bansa.

Ang RA 10654 na nag-amyenda sa RA 8550 (Philippine Fisheries Code of 1998) ay naglalayong wakasan ang lahat ng iligal, walang habas, at mapanirang uri ng pangingisda  o illegal unreported and unregulated (IUU) fishing, upang maprotektahan ang kabuhayan, karapatan at interes ng mga mangingisda at mapangalagaan sa kabuuan ang sektor na ito sa pamamagitan ng pinabigat na kaparusahan upang hindi man agarang mapigilan ay magdalawang isip ang sinumang may intensyong sumira at umabuso  sa yamang-dagat ng Pilipinas.

Binigyang-halaga naman ni BFAR National Director Atty. Asis G. Perez ang kahalagahan na maiparating ito ng mga mamamahayag sa mga mamamayan sa pamamagitan ng kanilang katuwang sa layuning ito.

Ayon pa kay Director Perez, mahigpit na ipatutupad ng BFAR ang RA 10654.  Aniya pa, hindi lamang tututok ang ahensya sa implementasyon ng batas, kundi ang tuluy-tuluy na pag-alalay sa fisherfolks upang iangat ang kanilang kabuhayan. Sa pamamagitan din ng bagong batas na ito, malaki ang magagawa nito hindi lamang aniya sa lokal na pamilihan kundi maging sa international market.

Ipinaliwanag naman ni BFAR Atty. Annaliza A. Vitug ang kabuuang saklaw ng RA 10654.

Aniya, sa naamyendahang batas na ito, mas mataas na kaparusahan o penalty sa sinumang lalabag, sang-ayon sa laki o uri ng pangingisda. Kapag malaking bangka ang ginamit sa illegal, o malaki ang halaga ng mga nahuling isda at lamang dagat na pangingisda, malaki ang kaakibat na kaparusahan

Kaugnay nito, sa naturang batas, itinitiyak naman ng BFAR na hindi dapat mabahala ang mga sumusunod sa batas, o hindi gumagawa ng mga illegal na pamamaraan sa pangingisda.

Samantala, ibinalita ni  BFAR Supervising Agriculturist at OIC-FPED Melanni R. Guerra  ang iba pang mga proyektong ipinatutupad  ng kanilang ahensya tulad ng programang TARGET, Fish-R, Boat-R, at iba pa, na siyang tumutugon sa pagkakaroon ng pagkakakitaan at maiangat pa sa kabuhayan ang may 166,000 fisherfolks sa buong bansa. (Communication and Public Relations Services Division/Office of the Governor) Visit us and log on at www.ormindoro.gov.ph; Facebook page Oriental Mindoro-PIO