|
January 2012
Seal of Good Housekeeping award iginawad sa Or. Mindoro, isang lungsod at 5 pa nitong bayan
Nakapag-aambag nang malaki sa isang organisasyon ang pagkakaroon nito ng bukas na pamamahala, regular na pagsusumite ng pinansyal na report at mga nangyayari at nagagawa ng kani-kanilang nasasakupan. Kaya naman matagal ding nangarap ang lalawigan na mapagkalooban ng ganitong parangal tanda ng maayos na pamamahala at responsableng pagganap sa mga iniatang na tungkulin ng bayan.
Narito ang report.
Noong Disyembre 27, iginawad sa lalawigan ng Oriental Mindoro ang matagal nang pinapangarap nitong karangalan, ang Seal of Good Housekeeping, na ipinagkaloob ng Department of the Interior and Local Government (DILG). Kasama ng lalawigan ng Oriental Mindoro na napagkalooban ng naturang karangalan ang mga bayan ng Baco, Victoria, Naujan, Pinamalayan, Bansud at ang Lungsod ng Calapan.
Kasamang tumanggap ni Gob. Alfonso V. Umali ng naturang parangal mula kay DILG Provincial Director Samuel Borja sina Baco Mayor Graciano Dela Chica, Victoria Mayor Alfredo Ortega,Jr., Pinamalayan Mayor Wilfredo Hernandez, G. Manny Regencia, kinatawan ni Bansud Mayor Ronaldo Morada at iba pang mga kinatawan ng mga bayan ng Naujan at Pto. Galera gayundin ng Lungsod ng Calapan. Saksi naman sa naturang parangal si 2nd District Rep. Reynaldo Umali.
Ayon kay DILG Dir. Borja, ang seal of good housekeeping ay maituturing na isang master key na magbubukas sa magagandang oportunidad para sa lalawigan at mga bayang nakatanggap nito. Ito, aniya, ay resulta ng maayos na pamamahala ng isang pamunuan
Ang SGH ay tumutukoy sa kakayahan ng lokal na pamahalaan sa larangan ng pagpaplano, maayos na pamamahala, bukas na pamamahala, handa sa pananagutan at pagpapahalaga sa antas ng resulta ng mga nagagawa ng isang local government unit.
Dahil sa naturang parangal, ang lalawigan ay nakatakdang tumanggap ng P7 milyong pisong pondo halaga ng counter-part fund, P3 milyon para sa Lungsod ng Calapan at P1 milyon para sa bawat benepisyaryong LGUs.
Kabilang sa mga pinagbatayan ng pagkakaloob ng SGH ang ulat mula sa Commission on Audit (COA) kaugnay sa mga naisumiteng papel at ang pagkakaroon ng transparency sa financial statements ng mga proyekto at programang ipinapatupad ng mga konsernadong ahesya.
Mapagkakalooban ang lalawigan ng PCF subsidy o 50-50 sharing scheme sa proyektong natukoy at nakapaloob na sa inaprubahang Annual Investment Plan ng lokal na pamahalaan. Kinakailangang ang proyekto ay pawang may kaugnayan sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng MDGs, local economic development at adaptation to Climate Change and Preparedness for Disasters.
Kasunduan sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan at mga kawani, nilagdaan
Lumagda na si Gobernador Alfonso V. Umali, Jr. sa Collective Negotiation Agreement o CNA na nagkakaloob ng mga benepisyong matagal nang hinihiling ng mga kawani ng Kapitolyo.
Katuwang ng gobernador na lumagda si Gng. Janey Galvez, pngulo ng Provincial Government of Or. Mindoro Employees Association, saksi ang iba pang opisyal ng naturang samahan.
Nakapaloob sa naturang kasunduan ang pagpayag ng Pamahlaang Panlalawigan, sa pamumuno ni Gov. Umali, na maipagkaloob sa mga kawani ng Kapitolyo ang mga benepisyo at serbisyong nauukol sa mga ito hanggat kakayanin ng pondo at kakayahan ng pamahalaang panlalawigan.
Kabilang sa mga benepisyong ito ang mga sumusunod:
- ang pag-ooperasyon ng isang establisyamento sa bagong Provincial Hospital nang libre sa renta sa loob ng anim na buwan bilang pag-alalay sa pagsisimula nito;
- makapag-monetize ng leave credits lalo na sa mga gipit na sitwasyon;
- pagkakaloob ng bonus at iba pang katulad na pampinansyang benepisyo;
- libreng physical at medical check-up upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga empleyado;
- libreng confinement sa provincial hospital hindi lamang sa mga kasapi ng samahan kundi pati na rin sa legal na asawa at lehitimong mga anak; at
- paglalapat ng paunang lunas sa lugar na pinagtatrabahuhan sa mga di inaasahang sitwasyon;
- sa mga lehitimong anak, sasagutin ng pamahalaang panlalawigan ang 50 porsyento ng magagastos sa pagpapagamot at may discount ang mga gamut na magagamit para sa pasyente; at
- ang pagkakaloob ng pamahalaang panlalawigan ng sports and fitness gym.
Linggo ng Kabataan 2011: Sigla at Lakas ng Kabataang Mindoreño
Pinatunayan ng humugit-kumulang sa 600 kalahok mula sa iba’t ibang panig ng lalawigan ang saya, sigla at lakas ng sektor ng kabataang Mindoreño sa matagumpay na pagdaraos ng Linggo ng Kabataan mula Disyembre 11-21 sa Lungsod ng Calapan.
Tumutok sa temang “Lakas ng Kabataang Mindoreño: Sama-sama sa Pagtataguyod ng Kalikasan at Kinabukasan,” pinangasiwaan ang gawain ng Sangguniang Kabataan Provincial Federation (SKPF), sa pangunguna ni SKPF President at SP Ex-Officio Board Member Kernell M. Ortega at sinuportahan ng opisyal sa lalawigan, sa pangunguna ni Gobernador Alfonso V. Umali, Jr., Bise-Gobernador Humerlito A. Dolor, mga myembro ng Sangguniang Panlalawigan at mga hepeng iba’t ibang tanggapan sa Kapitolyo.
Hitik ng mga gawaing naglalayong mahasa ang talino at kakayahan ng mga kabataan sa larangan ng pamiminuno at mapaigting ang pagkakaisa at samahan ng mga kabataan bilang isa sa pinakamahahalagang sektor ng lipunan, pinasimulan ang LNK 2011 sa pamamagitan ng paghahalal ng mga kabataang gagampan bilang Boy and Girl Officials bilang counterpart ng elective at appointive officials ng mga ahensya ng pamahalaan sa lalawigan.
Disyembre 18 nang magsimulang dumating ang mga delegasyon mula saiba’t ibang bayan. Kinabukasan, Disyembre 19, kasunod ng isinagawang parada sa mga pangunahing lansangan sa Lungsod, nanumpa sa harap ni Provincial Administrator Angel M. Saulong, ang elected Boy and Girl Officials, na pinangunahan nina Virgin May Bello bilang elected Governor, McLester Fetizanan bilang Bise-Gobernador, kasama ang kanilang mga Bokal mula sa una at ikalawang distrito. Nagtalaga rin ng mga kabataang opisyal na magsisilbing hepe sa bawat tanggapan sa Kapitolyo.
Isa naman sa naging tampok na gawain sa LNK ang Cheer Dance Competition sa Adriatico Memorial School kung saan nakuha ng Puerto Galera ang unang pwesto at P7,000 cash prize. Pumangalawa ang Naujan na may P5,000 cash prize at pumangatlo ang Socorro na tumanggap ng P3,000.00. Nakakuha naman ng consolation prizes ang Lungsod ng Calapan at bayan ng Pola na may tig-P1,000 cash prizes.
Sa kauna-unahang pagkakataon naman, nagkaroon ng Boys and Girls Officials ang Oriental Mindoro na naglalayong ipadanas sa mga kabataang lider sa loob ng ilang araw ang mga pamamaraan ng pamamahala sa mga ahensya ng pamahalaan. Disyembre 20 nang magsimulang gumampan sa kani-kanilang tungkulin ang mga batang opisyal. Sa Sangguniang Panlalawigan (SP) Session, nagmasid ang mga batang opisyal sa proseso ng pag-aaral sa mga nakahaing panukalang kapasiyahan at iba pang mga panlehislaturang hakbangin ng mga myembro ng Sanggunian.
Sa pagtatapos ng pagdiriwang ng LNK 2011, kinilala ang bayan ng Puerto Galera bilang over-all champion sa lahat ng mga bayang nakiisa sa gawain. Ginawaran rin ng pagkilala ang iba pang bayang nakilahok at nakiisa sa taunang pagdiriwang ng mga kabataan sa lalawigan.
TAX AMNESTY, EXTENDED HANGGANG ENERO 6, 2012
Bilang pahabol na pamasko ni Gobernador Alfonso V. Umali, Jr., sa mga Mindoreño, extended hanggang sa Enero 6, 2012 ang Tax Amnesty para sa lahat ng delinquent real properties sa Oriental Mindoro.
Kung kayo ay hindi nakapagbayad ng amilyar para sa taong 2010 at pababa, WALANG IPAPATAW NA MULTA kung ito ay inyong babayaran sa loob ng TAX AMNESTY PERIOD na nagsimula noon pang Hulyo 01, 2011 hanggang sa Biyernes, Enero 6, 2012.
Sa ilalim ng Tax Amnesty ay kailangang bayaran ang kabuuang pagkakautang sa amilyar maliban sa multa. Sakop ng Tax Amnesty ang lahat ng bayang nasasakupan ng lalawigan, maliban sa Lungsod ng Calapan.
Sa mga hahabol pa sa pagbabayad na nais mapasama sa naturang programa, kaagad na magtungo sa Provincial Treasurer’s Office, sa Provincial Capitol Complex, Lungsod ng Calapan, o tumawag sa (043) 288-1741 o (043) 286-7106.
Apat na pinakongkretong daan sa Lungsod ng Calapan, pinasinayaan
Nadagdagan na naman ng apat pang proyektong pinakongkretong daan ang pinasinayaan ni Gob. Alfonso V. Umali, Jr. noong Disyembre 6.
Ang mga naturang proyekto na matatagpuan sa Lungsod ng Calapan ay ang mga barangay ng Comunal, Puting Tubig, Masipit, at Sta. Maria Village. Ang pagtungo ng Gobernador sa mga naturang barangay ay bahagi ng kanyang regular na gawain tuwing araw ng Martes – ang pag-ikot sa mga barangay upang personal na alamin ang tunay na kalagayan ng mga ito at ang mga pangunahing pangangailangan ng kanilang barangay.
Sa bawat resolusyon ng barangay na ibinibigay ng mga opisyal ng barangay sa Punong Lalawigan, hamon ni Gob. Umali ang counterparting scheme o ang kasalukuyang sistemang isinasagawa niya upang pare-parehong magkaroon ng malasakit sa ibibigay na proyekto sa kanila ng pamahalaang panlalawigan na naaayon naman sa kanilang pangangailangan. Sa ganito ring paraan, naniniwala ang Gobernador na mas mabilis na maaaksyunan at matatapos ang implementasyon ng mga ninanais nilang proyekto para sa kanilang barangay. Idinagdag niyang mas mapapabilis at mapaparami ang bilang ng proyektong matatapos kung isasagawa ang counterparting scheme na ipinapatupad ng kanyang administrasyon sa kasalukuyan.
Buhay naman ang pag-asa ng mga opisyal ng barangay na madadagdagan pa ang mga proyektong ipinagkakaloob ng administrasyong Umali sa kanilang barangay.
Suportang Pang-Edukasyon Ng Administrasyong Umali, Tuluy-Tuloy
Hangad ng administrasyong Umali na maiangat ang antas ng edukasyon sa lalawigan kung kaya’t patuloy ito sa pagkakaloob ng mga programa’t proyekto bilang suporta sa mga paaralan sa iba’t ibang bayan sa lalawigan.
Kamakailan, nagkaloob si Gobernador Alfonso V. Umali, Jr. katuwang si Provincial Social Welfare and Development Officer Teresita A. Umbao ng mga lamesa at upuan sa ilang mga day center ng mga bayan ng Socorro, Pinamalayan, Gloria, Bansud, Roxas at Bulalacao. Isinagawa ito sa isang simpleng seremonya kasabay ng People’s Day na regular na aktibidad ng Gobernador sa Kapitolyo tuwing Lunes.
Benepisyaryo ng tig-pipitong lamesa at 28 silya ang day care center sa barangay Subaan, Socorro; Inclanay, Pinamalayan; G. Antonino, Gloria; Proper, Bansud; Cantil, Roxas at Nasucob, Bulalacao. Walong mesa at 32 upuan naman ang nailaan para sa Day Care Center sa barangay Zone I ng Pinamalayan.
Umabot sa P85,000 ang kabuuang halaga ng mga nasabing lamesa at upuan na pinondohan ng PSWDO sa ilalim ng Early Childhood Care and Development Program nito.
Isa sa mga prayoridad na programa ng administrasyong Umali ang edukasyon sapagkat batid ng Gobernador na ang maayos na edukasyon ay isa sa mga epektibong paraan upang maitiyak ang maayos na kinabukasan ng bawat mamamayan.
Giant Christmas Tree, Dagdag Na Atraksyon Sa Capitol Christmas Décor
Isa sa masisiglang dekorasyong pamasko sa Kapitolyo ang Giant Snowballs na kaagad mapapansin sa karamihan ng mga Christmas décor dito. Ngayon, nadagdagan na naman ito ng panibagong atraksyon, ang giant Christmas Tree na gawa rin sa plastic Sprite bottles.
Habang tumatagal, parami ng parami ang dumarayo kung saan pawang bukambibig, na ngayon lang naganap ang ganito kasiglang Kapitolyo. Pawang paghanga ang kanilang ipinahayag sa anila’y napakagandang ideyang ito ng administrasyong Umali.
Ayon kay Memyr Milaor, naging pangulo ng Young Christian Community, naging daan ang proyektong ito ni Gob. Alfonso V. Umali, Jr. upang higit na maipakita ang pagkakaisa at pagkakapantay-pantay ng mga Mindoreño anuman ang katayuan ng mga ito sa buhay sa pamamagitan ng iba’t ibang sektor ng mamamayan ang mga dumadayo ngayon sa Kapitolyo.
Isa namang natupad na munting pangarap ng mga bata ang pagkakaroon ngayon ng masayang pasyalan sa Kapitolyo.
Maging ang matatanda, nagsasabing dito na sila tumanda sa Oriental Mindoro ngunit ngayon lamang nagkaroon ng ganito kasiglang tanawing pamasko sa Kapitolyo.
Magpapatuloy na bukas ang Kapitolyo para sa lahat at libreng makapapasok ang lahat nang nais makasaksi ng masiglang mga tanawing pamasko at maramdaman ang tila nasa Lungsod ng Makati sa pagpasok sa Kapitolyo simula ika-6 ng hapon hanggang ika-10:00 ng gabi.
Dagdag saya pa rito ang muli na namang naisip ng Ama ng Lalawigan, ang pagkakaroon ng Kapitolyo Got Talent at Mindoro Got Talent at ang pagkakaroon ng banda na naghahandog ng musika sa mga tao habang namamasyal ang mga ito at pinapanood ang mga kumukuti-kutitap na ilaw at dekorasyong pamasko.
Mansaleño – Benepisyaryo Ng KPSM
Sa pinakahuling pag-iikot ng Kapitolyo Para sa Mamamayan o KPSM noong Disyembre 2, naging benepisyaryo ang siyam na barangay sa bayan ng Mansalay na kinabilangan ng mga barangay ng Santa Maria, Sta. Brigida, Bonbon, Maliwanag, Villa Celestial, Balugo, Roma, Wasig at Waygan.
Sa programang ginanap sa Sta. Maria Elementary School bilang panimulang gawain, ibinahagi ni Executive Assistant IV at KPSM Project Implementor Dr. Marpheo Marasigan ang mga serbisyong ipinagkakaloob ng proyekto na ipinatutupad ng administrasyon ni Gobernador Alfonso V. Umali, Jr.
Dagdag pa ni Dr. Marasigan na mula nang mailunsad noong Agosto 2010, naging regular nang programa ng Pamahalaang Panlalawigan ang KPSM na ang pangunahing layunin ay dalhin ang mga serbisyong panlipunan ng Kapitolyo sa iba’t ibang barangay sa 14 na bayan at isang lungsod sa lalawigan.
Pangunahin sa ipinagkakaloob ng KPSM ang libreng serbisyong medikal at dental. Libre rin ang mga gamot na inereseta ng mga doktor. Pinangangasiwaan ito ng Provincial Health Office, sa pakikipagtulungan sa mga municipal health office. Bukod pa rito, nagkakaloob din ng serbisyo ang iba’t ibang tanggapan sa Kapitolyo.
Pinangunahan ni Dr. Marasigan ang pamamahagi ng sports equipment sa mga barangay at sa mga paaralan ng 9 na barangay sa pangangasiwa ng Community Affairs Division, na pinamumunuan ni Ginoong Robert Mendoza. Vegetable seeds naman ang ipinamahagi ni Provincial Agriculturist Nilo Dimailig.
Isandaan at limampung (150) mahogany seedling ang nagmula sa Environment and Natural Resources Office na ipamamahagi sa mga nabanggit na barangay. Ang ilan ay itinanim na nina Dr. Marasigan kasama sina Sta. Maria Brgy. Captain Manny Fernando, mga hepe ng tanggapan sa Kapitolyo at iba pang opisyal ng barangay sa paaralang elementarya.
Naroroon din ang iba pang tanggapan upang magkaloob ng libreng serbisyo ng kani-kanilang tanggapan tulad ng Provincial Legal Office, Provincial Assessor’s Office, Provincial Treasurer’s Office at Provincial Health Insurance Program at Provincial Veterinary Office. Sumuporta naman ang Philippine Army at Phil. National Police sa pangangalaga ng seguridad sa lugar.
Marami ring bata ang nakinabang sa libreng feeding program. Taus-pusong pasasalamat kay Gobernador Umali sapagkat ngayon lamang nagkaroon ng ganitong programa sa kanilang barangay ang paabot ni Ginang Lani Sespeñe, 51-taong gulang at residente ng Brgy. Sta. Maria.
OMPJ NAGDAOS NG 24th NATIONAL AWARENESS AND CONCIOUSNESS WEEK
Matagumpay na naipagdiwang ng Or. Mindoro Provincial Jail inmates ang taun-taong ipinagdiriwang na National Awareness Consciousness Week.
Nakinabang sa libreng gamutan ang mga inmates mula sa programa ng Pamahalaang Panlalawigan na Kapitolyo Para sa Mamamayan sa ilalim ng administrasyon ni Gobernador Alfonso V. Umali Jr. sa pamamagitan ng mga serbisyong medical at dental sa mga inmates. Nagkaloob din ng mga gamot para sa mga may karamdaman.
Pinangunahan ang gawain ni Executive Assistant IV Dr. Marpheo Marasigan katuwang ang simbahan sa pamamagitan ng Sto. Nino Cathedral gayundin ang mga doctors na mula pa sa iba-ibang lugar na nagkaloob ng libreng serbisyo.
Samantala ayon kay OPMJ Warden Romero, mas nagiging maayos at disiplinado ang mga inmates sa ngayon. Dagdag niya na siniseguro ng kanyang pamunuan na ang sinumang bagong ipapasok dito ay hindi makakaranas ng aniyay pambu bully ng mga dati nang preso na nagyayari noon.
Naging masigla naman ang pagdiriwang kung saan nagpakita ang mga inmates ng kanilang talent partikular sa larangan ng pag-awit.
Samantala, naging maaga ang paggunita sa kapaskuhan sa loob ng OMPJ sa mga nakasabit na Christmas decorations, ang pinagkakaabalahang pinagkakakitaan ngayon ng mga inmates.
Umaasa naman ang OMPJ sa tuluy-tuloy na pagsuporta sa kanila ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Gobernador Alfonso V. Umali, Jr.
Laki sa Gatas Nutrition Education Advocacy, Isinagawa
Sa pagpapatuloy ng krusada upang labanan ang malnutrisyon ng mga bata, isinagawa noong Nobyembre 25 ang Laki sa Gatas Nutrition Education Advocacy sa Oriental Mindoro.
Ang Laki sa Gatas ay isang kampanya para sa maayos na nutrisyon, partikular ang pag-inom ng gatas, para sa maayos at malusog na mga batang mag-aaral.
Itinataguyod ito ng Nestle Philippines at si 2005 Miss International at TV-movie actress Lara Quigaman ang isa sa mga kilalang nagsusulong ng adbokasiyang nabanggit.
Kasama si Bb. Quigaman sa pag-iikot ng Laki sa Gatas sa mga paaralan sa iba’t ibang lugar at sa Oriental Mindoro ay ibinahagi niya sa mga estudyante ng Adriatico Memorial School ang kanyang mga personal na karanasan. Nagbigay siya ng inspirasyon sa mga mag-aaral at mga nanay sa pamamagitan ng kwento ng kanyang pamilya na bagamat sila ay mahirap ay tiniyak ng kanyang magulang na tamang nutrisyon ang maibigay sa kanya.
Kaugnay nito, isang press conference ang ipinatawag ng Laki sa Gatas kung saan binigyang-diin ni Nestle’s marketing and promotions executive Elizabeth Januya na itinataguyod nila ang LSG upang tulungan at gabayan ang mga magulang, guro at mag-aaral sa pagpili ng tama at masusustansyang pagkain.
Aniya, isinasagawa nila ang LSG sa mga pampublikong paaralan sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas para maipakalat ang kahalagahan ng tamang nutrisyon sa paglaking malusog at matalino ng mga mag-aaral.
Idinagdag din niya na sa mga pag-aaral ay lumabas na ang pagkain ng tama at pag-inom ng gatas ay malaki ang positibong epekto sa pag-aaral ng mga kabataan.
Ang Laki sa Gatas ay inilunsad ng Nestle Philippines noong 2006 at sa kasalukuyan ay nakabisita na sa may 6,000 paaralan, at nakaabot na sa mahigit dalawang milyong mag-aaral, mahigit isang milyong nanay at humigit-kumulang sa siyamnapung libong guro sa buong Pilipinas.
Samantala, ayon sa mga taga-Department of Health, mas mainam pa rin at higit na masustansya ang gatas ng ina.
Limang Natatanging Pulis Pinarangalan
Limang natatanging pulis ang pinarangalan bilang 2011 Outstanding Police Officers ng Oriental Mindoro.
Sa isang simpleng seremonya sa Kapitolyo noong Disyembre 12, pinangunahan nina Gob. Alfonso V. Umali, Jr. PNP Provincial Director P/SSupt. Anthony S. Alcañeses at Bokal Romeo G. Infantado ang paggawad ng parangal sa pinakamahuhusay at pinakamagagaling na kasapi ng Philippine National Police sa lalawigan.
Nag-iisang babaeng pinarangalan ngayong taon si SPO1 Rosalinda C. Mamburan na ang naging pangunahing responsibilidad ay ang kalingain ang mga kabataan at kababaihang ang mga karapatan at pagkatao ay labis na naalipusta. Katulong siyang nakapagsampa ng 22 kaso laban sa mga inaakusahang lumabag sa mga karapatang ito.
Ang napakalaking ambag ni SPO1 Reden P. Dueñas sa kaayusan ng mga pangunahing lansangan ng lungsod Calapan at ang kanyang maayos na pagganap sa kanyang tungkulin bilang pulis na kinikilala hindi lamang ng mga kapwa niya alagad ng batas kundi maging ng mga ordinaryong mamamayan ang nagbigay sa kanya ng prestihiyosong parangal.
Sina SPO1 Severino U. Paala, Police Senior Inspector Anthony J. Ramos at Police Chief Inspector Neil R. Apostol ay napabilang sa Oriental Mindoro’s Finest dahil sa kanilang singkronisado at organisadong pagtutulungan upang mabuwag ang kilabot na Villanueva Gang. Ang gang na ito ay salot na naghasik ng serye ng nakawan at takot sa katimugang bahagi ng lalawigan.
Bukod sa plake ng pagkilala, tumanggap din ang limang Outstanding Police Officers ng tig-P10,000 insentibo.
Naging finalist din sa patimpalak si SPO2 Emma P. Carandan.
Ang Search for Outstanding Police Officers ay nasa ikaapat na taon na ngayon simula ng ito ay ilunsad noong 2008. Sa bisa ng Provincial Ordinance No. 003-2003 ang parangal ay na- taunang isinasagawa upang bigyang-rekognisyon ang mga kasapi ng Philippine National Police na naka-base dito sa Oriental Mindoro na nakapagpamalas ng husay at galing sa paglaban sa lahat ng uri ng krimen at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan at maprotektahan ang buhay at ari-arian ng mamamayang Mindoreño.
Chairman ng search si Gob. Umali. Co-Chairman nito si PD Alcañeses. Vice-chairman si Bokal Infantado samantalang si Provincial Human Resource Management Officer Elisa O. Paala ang acting chairman ng patimpalak. Kasapi ng search committee sina Provincial Director Engr. Samuel Borja at Joyce F. Cree ng DILG, Rolando M. Abonador ng Kapitolyo, Rev. Alexander Rojas ng religious groups, Creselia Z. Escueta ng human right groups at Supt. Bonard Briton ng PNP.
204 NAGTAPOS SA LANGUAGE LEARNING PROGRAM NG KAPITOLYO
Dalawang daan at apat na guro, empleyado, pulis, newly graduates at TESDA NC2 passers ang nagtapos sa Language Learning Program ng Pamahalaang Panlalawigan.
Noong Disyembre 12 sa Benedictine Nuns sa Salong, Calapan City, isa-isang tumanggap ng sertipiko ang mga nagsipagtapos mula kina Gobernador Alfonso V. Umali, Jr. Bise-Gob. Humerlito A. Dolor, DepEd Schools Division Supt. Estrellita A. Dolor, TESDA Regional Operations Division-OIC Azuncion Ordoña, Malampaya Foundation Program Manager Teddy Bolivar, at Supt. William Destura ng PNP.
Sila ay mga nagsipagtapos ng 100 training hours ng Specialized Enhancement Course for HighSchool Teachers-Advanced Courses in Competitive English for Teachers (SPEECH-ACCENT) at English Language Proficiency- Pronounciation Power (ELP-ProPow) sa Language Skills Institute (LSI) sa Kapitolyo na pinangangasiwaan ni Gng. Olivia Palomaria.
Ang LSI, na magkakatuwang na itinataguyod ng Pamahalaang Panlalawigan, TESDA at Malampaya Foundation, ang tanging language skills institute sa buong bansa na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Gobernador Umali, ang mga katulad na programa ay kanyang itinataguyod upang higit na paunlarin ang kasanayan ng mga guro sa wikang Ingles na ang tiyak na makikinabang ay ang mga kabataang mag-aaral. Malaki rin, aniya pa, ang tulong nito upang maging competitive ang mga Mindoreño lalo pa’t ang isa sa malalaking industriya ngayon ay ang outsourcing services kung saan kabilang ang call centers.
Ipinagmalaki naman ni Bise-Gob. Dolor na napakalaki ang naging bahagi niya sa programa noong siya ay kasalukuyan pa lamang na aktibong kasapi ng Sangguniang Panlalawigan.
Ang LSI ay brainchild nina Bise-Gob. Dolor at Dr. Ordoña noong ito ay TESDA provincial director pa. Ayon kay Bise-Gob. Dolor, hindi niya tinigilan at tinutukan niyang mabuti maging ang pinakamaliit na detlaye at proseso upang mapasimulan ang proyekto na matagumpay na binuksan noong 2009.
Tinagubilinan naman ni Supt. Dolor ang mga nagsipagtapos, lalo na ang mga guro, na maging matatag sa mga hamon ng propesyon gamit na mabisang armas ang pagigung bihasa sa wikang Ingles.
Pasasalamat naman ang ipinaabot ng mga nagsipagtapos na ipinaabot nina Gng. Agnes Ribon na isang guro at Police Senior Inspector Socrates Faltado.
Kapitolyo Videoke Challenge Grand Finals – Gabi ng Musika at Kasiyahan
Sa isang gabing napuno ng musika at kasiyahan, nagtagisan ng galing sa pag-awit ang 16 na mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan at mga ahensya ng Pamahalaang Nasyunal sa Kapitolyo Videoke Challenge Grand Finals noong gabi ng ika-14 ng Disyembre, sa Provincial Capitol Grounds.
Nag-kampeon sa patimpalak si PO1 Romanito Cabalon ng Philippine National Police na tumanggap ng P5,000 cash prize. Nag-1st runner-up naman si Bobby Ramirez ng Provincial Information Office na tumanggap ng P3,000 samantalang 2nd runner-up si Francis Dapito ng Provincial Veterinary Office na tumanggap ng P1,500.
Dumalo sa gawain si Gobernador Alfonso V. Umali, Jr. na humikayat sa lahat ng mamamayan na patuloy na bumisita sa Kapitolyo upang makita ang mas maliwanag at mas maningning na Paskuhan sa Kapitolyo. Isang awitin din ang inihandog ng Gobernador para sa katuwaan ng mga manonood.
Ibinida naman ni Bise-Gobernador Humerlito A. Dolor ang masasabing isa sa pinakamagaganda at pinaka-orihinal na pamaskong dekorasyon sa Kapitolyo ngayon – ang giant snowman, snowballs at giant Christmas tree na gawa sa mahigit 21,000 basyo ng plastic bottles at ang winter-themed Christmas cottage ng Office of the Vice-Governor at ng Sangguniang Panlalawigan. Aniya pa, naging kabalikat nila sa proyekto ang Girl Scouts of the Philippines (GSP) sa pangongolekta ng mga bote. Inanyayahan din niya ang lahat na bumisita sa Kapitolyo sa Disyembre 20, alas-6 ng gabi kung saan mayroong libreng ice cream, juice at softdrinks para sa mga mamamayan ang kanilang tanggapan.
Nakiisa rin sa programa si Bokal Romeo G. Infantado ng Sangguniang Panlalawigan.
Ang Kapitolyo Videoke Challenge Grand Finals ay inorganisa ng Pamahalaang Panlalawigan, sa pamamagitan ng Provincial Administrator’s Office, sa pamumuno ni Provincial Administrator Angel M. Saulong, ng Provincial Tourism Office, sa pamumuno ni Supervising Tourism Operations Officer Orlando B. Tizon at sa pakikiisa ng iba’t ibang mga tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan at Pamahalaang Nasyunal.
Project Kalinga Sa Kapwa Itinataguyod Ng OLA
Tuluy-tuloy ang pagtulong ng Oriental Mindoro Ladies Association o OLA sa Pamahalaang Panlalawigan sa paghahatid ng mga serbisyong kagyat na tumutugon sa pangangailangan ng mga mamamayang Mindoreño.
Namahagi ang OLA ng mga libro, laruan at iba pang regalong pambata sa daycare centers sa lungsod ng Calapan noong . ikalabing-tatlo ng Disyembre.
Itinataguyod ng OLA ang PROJECT KALINGA SA KAPWA, isang gift-giving activity ni Gobernador Alfonso V. Umali, Jr at 2nd District Congressman Reynaldo V. Umali bilang outreach program ng samahan na pinamumunuan ni Gng. Blenda Gernace.
Unang namahagi sa mga barangay ng Patas, Canubing II at Sta. Rita ang mga myembro ng OLA na pinangunahan ni Gng. Gernace kasama sina Ginang Louie dela Paz, Nanette Geronimo, Marlet Montellano at Liza Ozar.
Ang isang grupo naman na kinabilangan nina Ginang Malou Morillo, Mariz Hernandez at Marie Morillo-Goco ay namahagi ng mga libro sa barangay Comunal at Personas at mga botang pambata naman sa Barangay Balinggayan.
Nang sumunod na araw, benepisyaryo naman ang mga barangay ng Bayanan I; Bayanan II at day care extension nito sa may core housing; Bucayao; Managpi at Putting Tubig.
Ang proyekto ay itinaguyod sa pakikipagtulungan sa Heetens Help Good Center of the Philippines na pinangangasiwaan ng mag-asawang Jo at Truus Schoorleemer mula sa Al Heetens, Holland na mga naging kaibigan ni Gobernador Umali simula pa nang siya ay manungkulan bilang kongresista ng ikalawang distrito.
Oriental Mindoro Nakiisa Sa Paggunita Ng Pandaigdigang Araw Laban Sa Human Trafficking
Bilang paggunita sa pagdiriwang ng pandaigdigan araw laban sa human trafficking noong ika-siyam ng Disyembre, isinagawa ang fun run sa bayan ng Puerto Galera na itinataguyod ng Regional Inter-Agency Committee Against Trafficking and Violence Against Women na pinangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development Region IV –B.
Ang naturang gawain ay binuo ng dalawang grupo, ang mga tumakbo at ang mga bikers na nagsimula sa dalawang starting, ang Barangay Palangan na pinangunahan ni Puerto Galera Mayor Hubbert A. Dolor samantalang ang grupo naman ng mga bikers ay sa White Beach nagmula. Kapwa nagtapos ang dalawang gawain sa municipal gym kung saan idinaos ang maikling programa na tinampukan ng film showing.
Buong-buo ang suporta ng Pamahalaang Panlalawigan sa kampanya laban sa human trafficking ganundin sa karahasan sa mga kababaihan at kabataan ,ayon kay Office of the Governor Chief of Staff Rowena Sanz na siyang kumatawan kay Gobernador Alfonso V. Umali, Jr. Aniya pa, tuluy-tuloy ang information dissemination campaign ng binuo ni Gobernador Umali na Provincial Inter-Agency Council Against Human Trafficking upang maunawaan ng ating mga kababayan ang kanilang karapatan at ang mga kaakibat nitong responsibilidad.
Ipinaliwanag naman ni Atty. Eric Henry Joseph Mallonga, Legal Counsel ng DSWD Region IV-B at ng Bantay Bata 163 ang mahahalagang batas kaugnay nito tulad ng Republic Act 9208 o ang Anti-Trafficking in Persons Act ng 2003 at ang Republic Act 9262 na hinggil sa Anti-Violence Against Women and their Children.
Naging tampok sa pananalita ni Atty. Mallonga ang kanyang panawagan sa mga pamahalaang lokal na ipatupad ang nasasaad sa Local Government Code of 1991 na pagtatalaga ng anim na porsyento mula sa Internal Revenue Allotment kung saan limang porsyento ay dapat para sa mga gender sensitivity programs at isang porsyento sa mga programa hinggil sa crime prevention para sa mga kabataan; magmonitor at magdokumento ng mga kaso at ipaabot sa mga kaukulang ahensya at suportahan ang inisyatiba ng mga pamayanan sa paglaban sa mga karahasang nabanggit.
Pasasalamat sa lahat ng dumalo at nagkaloob ng suporta sa layuning protektahan ang karapatan ng ating mga kabataan at kababaihan ang paabot ni Mayor Dolor.
Nakibahagi rin sa okasyon sina Department of Interior and Local Government Provincial Director Engr. Samuel Borja; Stairway Foundation Inc. Coordinator Grace Esteban; mga kapulisan; mga guro at estudyante mula sa iba’t ibang paaralan at mga kinatawan mula sa Provincial Social Welfare and Development Office.
Bumigay na kalsada sa Puerto Galera, tinutukan ni Gob. Umali
Nagiging madali ang isang gawain kapag nagtutulung-tulong at nagkakaisa.
Ito napatunayan nang tutukan ni Gob. Alfonso V. Umali, Jr. ang pagpapagawa ng bumigay na kalsada sa may Barangay Dulangan ng Puerto Galera matapos itong gumuho nang kasagsagan ng ulan noong Disyembre 11 kaalinsabay ng pagbaha sa kabayanan nito.
Ang naturang pagbaha sa mismong kabayanan ng Puerto Galera, ayon sa mga residente rito ay noon lamang anila nangyari.
Maliban dito, marami ring landslides ang nangyari sa kahabaan ng zigzag road dahil sa pagguho ng lupa sa may kabundukan bagay na nakaantala sa maraming mga pasahero particular sa mga nagsidalo sa Fun Run regional activity ng Department of Social Welfare and Development Office .
Dahil dito, tinawagan ni Gob. Umali ang iba’t ibang konsernadong ahensya at pamahalaang lokal upang magtulung-tulong para sa ikabibilis ng paggawa ng naturang kalsada. Kabilang dito ang mga kontraktor ng SanLahi, 16th Enterprise, gayundin ang pamahalaang bayan ng Pto Galera at San Teodoro. Buklod ng pagkakaisa, nag-ambag ng kanya-kanyang maitutulong ang mga tinawagan ng gobernador ng pansin upang tumulong at mabigyan ng kaalwanan at matapos ang paghihirap ng mga tumatawid sa bumigay na daan. Maging ang mga indibidwal na residente ng barangay ay nakiisa sa naturang sama-samang paggawa. Kaya naman ang inaasahang buwan bago madaanan ang naturang kalsada, limang araw pa lamang, kaagad na itong nadaanan.
Bagama’t hindi sa lalawigan tumama ang bagyong Sendong, nagbigay naman ito ng malakas na ulan na umagos mula kabundukan pababa sa kapatagan na naging sandhi ng pagbigay ng naturang kalsada.
Task Force Kontra Pagluluwas Ng Uling Binuo
Sa bawat batas na ipinapasa, nagiging epektibo lamang ito kung may sinserong kikilos para sa pagpapatupad nito.
Upang matiyak ang epektibong pagpapatupad ng Provincial Ordinance No. 015-2011 na nagbabawal ng pagluluwas ng produktong uling mula sa Oriental Mindoro patungo sa ibang lalawigan, bumuo ang pamunuan ni Gob. Alfonso V. Umali.Jr. ng task force na siyang kikilos para bantayan ang mga tangkang paglalabas ng uling mula sa lalawigan, tiyaking mapaparusahan ang lalabag sa ordinansa; makikipag-ugnayan sa mga konsernadong ahensya hinggil sa pagkumpiska at pag-aresto sa mga nasasangkot sa paglalabas ng uling sa lalawigan at sa pagsasampa ng kaso sa mga ito .
Kabilang pa rin sa mga isasagawa ng task force ang magsiyasat ng mga bumibiyaheng sasakyang pinaghihinalaang magluluwas ng uling, magtatalaga ng mga sadyang checkpoint beinte kwatro oras at regular na mag-uulat tungkol sa kanilang mga naging hakbang at gawain sa bawat buwan.
Binalangkas ang paglikha ng nabanggit na task force sa gitna ng patuloy na pagtatangka pa rin ng ilang tiwaling mangangalakal na ibaye patungong Batangas at iba pang lugar ang uling ng Oriental Mindoro sa kabila ng paghihigpit dito ng Pamahalaang Panlalawigan, maligtas sa panganib ng pagkaubos ng mga puno sa kabundukan at mapanatiling may sapat tayong suplay ng uling para sa bawat tahanan ng mga taga Oriental Mindoro. Sanhi rin ng paghihigpit ang mga nasasabat pa ring trak at mga mangangalakal na nagpipilit na magbyahe ng uling palabas ng lalawigan.
Binubuo ang task force ng mga kinatawan mula sa Provincial, Municipal at Community Environment and Natural Resources Offices, Provincial Police Office, Port Management Office ng Calapan, Terminal Management ng Roxas, Plant Quarantine Sevices, Coast Guard at ng mga Cargo Handlers.
Pangunahing tinatalakay ang naturang isyu ng pag-uuling at iba pang makakalikasang iligal na mga gawain sa regular na pagpupulong ng Provincial Care Council na pinangungunahan ng simbahan sa pamumuno ni Bishop Warlito Cajandig katuwang ng pamahalaang panlalawigan.
Lungsod ng Calapan at dalawa pang bayan tinutukan ni Gob. Umali para sa programang 4Ps
Kalimitang nabibiyayaan ng programa ng pamahalaan para sa mga mahihirap ay ang mga bayan lamang na may mataas na poverty incidence o mataas ang antas ng kahirapan sa isang bayan. Tulad ng lalawigan ng Oriental Mindoro, hindi lahat ng bayan ay mataas ang antas ng kahirapan. Mayroon ding mauunlad na bayan subalit mababa ang kanilang poverty incidence.
Sa kabila nito, dama ng punong lalawigan na dehado ang mga tunay na mahihirap n naninirahan sa itinuturing na maunlad na bayan. Kaya naman, tinutukan at sinikap ni Gob. Alfonso V. Umali, Jr. na ang mga mauunlad na bayan sa lalawigan na kinabibilangan ng Lungsod ng Calapan,at mga bayan ng Pto. Galera, Naujan at Victoria ay mapasama na rin sa programa ng pamahalaang nasyunal na Programang Pantawid Pamilya.
Principal Investors sa Batangas-Mindoro Superbridge, dumating sa lalawigan
Dumating sa lalawigan noong Disyembre 22 ang mga principal investors ng bansang China na kausap ni Gob. Alfonso V. Umali,Jr. na interesado na mag-finance para sa pag-aaral ng paglalagay ng tulay simula isla ng Batangas hanggang Isla Verde at mula Isla Verde hanggang Ilijan, Pto. Galera.
Bago isagawa ang survey ng grupo ng mga engineers sa mismong site ng proyekto, nag-courtesy call muna ang mga ito sa tanggapan ng gobernador at pinag-usapan ang pagsisimula ng kanilang gawain.
Ang multi-bilyong pisong proyekto na ito ay ang matagal nang pinapangarap ni Gob. Umali para sa mga Mindoreno. Ayon sa gobernador, kung noong una, ang pinangarap niya ay ang mapasementuhan ang pangunahing kalsada sa segunda distrito na natupad naman aniya, ngayon, ang pinapangarap naman niya, ayon sa gobernador ay ang katuparan ng Batangas-Mindoro Superbridge.
Governor’s Ball kinansela ni Gob. Umali, P0.5M budget ibibigay na lang sa mga biktima ng bagyong Sendong
Sa halip na magsaya para sa nakatakda ng Governor’s Ball sa Disyembre 29, kinansela ito ni Gov. Alfonso V. Umali, Jr. at ipinasyang ibibigay na lamang ang naka-budget ditong kalahating milyong piso sa mga pamilya ng mahigit isang libong biktima ng bagyong Sendong sa mga lungsod ng Cagayan de Oro at Iligan.
Ayon sa gobernador, hindi magandang hitsura na ang mga Mindoreno ay magsasaya samantalang ang ibang lugar naman ay nagluluksa dahil sa sinapit ng mga ito mula sa bagyong Sendong. Sa pagkakataong ito sinabi ng gobernador na muli ay nararapat lamang patunayan ang pagkakaisa ng mga Mindoreno sa pagtulong sa mga nalalagay sa krisis na sitwasyon.
Bilang pangulo ng mga gobernador sa buong bansa, sinabi nitong naghahanap pa siya ng iba pang paraan upang makatulong sa mga naturang biktima.
Kapasiyahang nagpapahuntulot kay Gob. Umali na magkaloob ng tulong pinasyal sa mga biktima ng Bagyong Sendong, inaprubahan ng SP
Bilang pakikidalamhati sa mga nasalanta ng Bagyong Sendong, nagpasa ng kapasiyahan ang Sangguniang Panlalawigan (SP), sa pangunguna ni Bise-Gob. Humerlito A. Dolor, sa kanilang sesyon noong ika-20 ng Disyembre, ng SP Resolution No. 1401-2011 “Resolution Authorizing Governor Alfonso V. Umali, Jr., to set aside at least P500,000 chargeable againts the 5% Disaster Risk Reduction and Management Fund of the Provincial Government of Oriental Mindoro to be equally apportioned as financial assistance to the Provincial Governments of Misamis Oriental and Lanao Del Norte, to be utilized for calamity victims of Tropical Storm Sendong, particularly in Cagayan De Oro and Iligan City.”
Ipinasa rin ang SP Resolution No. 1402-2011 “Resolution Expressing Deep Sympathy of the Sangguniang Panlalawigan of Oriental Mindoro to the Calamity Victims of Tropical Storm Sendong that Wrought Havoc in the Country’s 13 Provinces.”
Sa sponsorship speech ni Bise-Gob. Dolor,sinabi niyang maituturing na mapalad ang lalawigan dahil hindi ito naapektuhan ng mga nagdaang bagyo sa bansa. Aniya, ngayon ay panahon ng sama-samang pagdadalamhati at pagkakaisa upang tulungan at bigyan ng kinakailangang pagsuporta ang mga nasalanta ng bagyo. Ang mga nagaganap aniyang mga kalamidad sa bansa ay mga paalala sa mamamayan na kinakailangan nating alagaan ang ating kalikasan.
Nasasaad sa unang kapasiyahan na sa pananalanta ng Bagyong Sendong sa timugang bahagi ng bansa noong ika-15 ng Disyembre, naapektuhan nito ang 13 lalawigan, walong lungsod, 31 munisipalidad na may 319 barangay. Sa kasalukuyan, mahigit na sa 1,000 ang naitalang nasawi habang nasa 67,000 pamilya ang apektado ng trahedya. Anumang tulong o suportang maaring ipaabot sa mga biktima ng bagyo ay makatutulong upang kahit papano, sila ay makabangon mula sa kanilang mga pinsalang natamo.
110 Agricultural Workers, kailangan sa US
Sa mga magsasakang nangangarap mag-abroad, ipinaaalam na maaari nang magkaroon ng tsansa na makapagtrabaho sa bansang Amerika sapagkat nangangailangan sila ngayon ng 110 kwalipikadong agricultural workers.
Sa mga interesado, kinakailangang mapatunayan ninyo ang pagiging tunay na mag-sasaka at may edad 25 hanggang 50 taong gulang, may medical certificate na nagpapatunay na naaangkop ang inyong kalusugan sa kakaharaping trabaho, may NBI clearance, pasaporte, at employment certificate.
Sa mga interesado maaaring makakuha ng application forms sa pamamagitan ng internet na may email address na chanceteamtrio2005@yahoo.com o makipag-ugnayan sa telepono bilang 02-516-4328 o 02-4756164 o ipadala ang filled up form sa Chanceteam International Services, Inc., No. 1655, Malate, Manila.
204 NAGTAPOS SA LANGUAGE LEARNING PROGRAM NG KAPITOLYO
Dalawang daan at apat na guro, empleyado, pulis, newly graduates at TESDA NC2 passers ang nagtapos sa Language Learning Program ng Pamahalaang Panlalawigan.
Noong Disyembre 12 sa Benedictine Nuns sa Salong, Calapan City, isa-isang tumanggap ng sertipiko ang mga nagsipagtapos mula kina Gobernador Alfonso V. Umali, Jr. Bise-Gob. Humerlito A. Dolor, DepEd Schools Division Supt. Estrellita A. Dolor, TESDA Regional Operations Division-OIC Azuncion Ordoña, Malampaya Foundation Program Manager Teddy Bolivar, at Supt. William Destura ng PNP.
Sila ay mga nagsipagtapos ng 100 training hours ng Specialized Enhancement Course for HighSchool Teachers-Advanced Courses in Competitive English for Teachers (SPEECH-ACCENT) at English Language Proficiency- Pronounciation Power (ELP-ProPow) sa Language Skills Institute (LSI) sa Kapitolyo na pinangangasiwaan ni Gng. Olivia Palomaria.
Ang LSI, na magkakatuwang na itinataguyod ng Pamahalaang Panlalawigan, TESDA at Malampaya Foundation, ang tanging language skills institute sa buong bansa na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Gobernador Umali, ang mga katulad na programa ay kanyang itinataguyod upang higit na paunlarin ang kasanayan ng mga guro sa wikang Ingles na ang tiyak na makikinabang ay ang mga kabataang mag-aaral. Malaki rin, aniya pa, ang tulong nito upang maging competitive ang mga Mindoreño lalo pa’t ang isa sa malalaking industriya ngayon ay ang outsourcing services kung saan kabilang ang call centers.
Ipinagmalaki naman ni Bise-Gob. Dolor na napakalaki ang naging bahagi niya sa programa noong siya ay kasalukuyan pa lamang na aktibong kasapi ng Sangguniang Panlalawigan.
Ang LSI ay brainchild nina Bise-Gob. Dolor at Dr. Ordoña noong ito ay TESDA provincial director pa. Ayon kay Bise-Gob. Dolor, hindi niya tinigilan at tinutukan niyang mabuti maging ang pinakamaliit na detlaye at proseso upang mapasimulan ang proyekto na matagumpay na binuksan noong 2009.
Tinagubilinan naman ni Supt. Dolor ang mga nagsipagtapos, lalo na ang mga guro, na maging matatag sa mga hamon ng propesyon gamit na mabisang armas ang pagigung bihasa sa wikang Ingles.
Pasasalamat naman ang ipinaabot ng mga nagsipagtapos na ipinaabot nina Gng. Agnes Ribon na isang guro at Police Senior Inspector Socrates Faltado.
|